Saturday, June 9, 2012

Minsan

Minsan na akong nangarap. Minsan na rin akong nasaktan. Wala namang dahilan upang masaktan. Pinangarap lang naman kita. Iyon lang naman. Sa tinagal tagal ng panahon, ikaw pa rin. Ikaw talaga. Ikaw na lang sana. Huminto ako sa pagdarasal na ika'y mapasa-akin nang minsan akong nabigo. Inilabas ko ang lahat ng sakit sa iyak at ginugol ang buong oras sa mga bagay na makapagpapalimot sa'yo. Ngunit hindi talaga maiiwasan na bago matapos ang araw, lilitaw sa aking isipan ang lalaking minsan kong pinangarap, ang lalaking minsan kong pinagmasdan at hiniling sa Maykapal.

Sinikap kong maging isang prinsesa para sa prinsipeng tulad mo. Nakakatawa mang isipin ngunit kung sino ako ngayon, kung ano man ang mga kaya kong gawin at ipagmalaki, iyon ay dahil sa'yo. Tinuruan mo akong abutin ang mga bagay na akala ko'y hindi ko kaya. Tinuruan mo akong lumipad na parang ibon sa kalangitan, malaya at may lakas ng loob sa kabila ng mga unos na maaari kong harapin. Ikaw ang nagsilbing inspirasyon dahil minsan kong ninais na maging karapat-dapat sa iyo. Ngunit kahit na anong pagsisikap ang gawin ko, minsan aking napagtanto na hindi mo ako kayang gustuhin. Hindi ko maintindihan kung bakit. Tinalikuran ko sila para sa iyo at heto ako, naiwang mag-isa. Nangarap sa isang bagay na walang patutunguhan.

Pero siguro mali rin ako. Hindi pa naman huli ang lahat at minsan na akong nagkamali nang napatunayan kong hindi naman pala kayo ng babaeng pinagseselosan ko. Minsan ko ring kinapalan ang aking mukha upang sabihin sa'yo ang lahat ng nararamdaman ko. Minsan lang iyon pero hanggang ngayon nakaukit pa rin sa aking puso't isipan kung paano ako nabihag ng minsan kong pagtingin sa iyo.

Kapag tinatanong nila kung ano ba ang meron ka na wala sa kanila, isa lang ang sagot ko:

Handa akong mahalin ka ng buong buhay ko. Hindi ko alam kung bakit ikaw. Basta ang alam ko lang, ikaw talaga.

Pareho man tayo ng pinagdaraanan ngayon, nananalig ako sa Diyos na mapagtatagumpayan natin ito. Hindi na ako umaasa na minsan ay mapapansin mo rin ako. Tanging Siya lamang ang nakakaalam kung sino ba talaga ang para sa atin. Ito na siguro ang pagkakataon na ikaw ay isuko bilang aking pangarap. Hindi dahil hindi na kita gusto. Hindi dahil hindi ako karapat-dapat sa iyo. Hindi dahil may gusto na akong iba. At mas lalong hindi dahil napapagod na ako.

Isusuko ko ang isang pangarap na minsan kong inabot bagkus nais kong ika'y maging panalangin na balang araw ay diringgin ng Panginoon.



No comments:

Post a Comment